KQ nakabalik na sa KBL
MANILA, Philippines — Masayang nakabalik sa aksyon si Kevin Quiambao sa Korean Basketball League (KBL).
Ilang linggo ring napahinga si Quiambao matapos magtamo ng ankle injury.
At sa pagbabalik nito, siniguro ni Quiambao na magiging eksplosibo ito nang kumana ito ng 14 puntos para sa Goyang Sono Skygunners sa laban nito kontra sa Anyang JKJ Red Boosters sa Goyang Gymnasium.
Nagtala pa si Quiambao ng limang assists at apat na rebounds subalit hindi ito sapat matapos yumuko ang Goyang sa Anyang JKJ Red Boosters, 94-69.
Nahulog ang Skygunners sa 10-23 rekord.
Gayunpaman, masaya si Quiambao na nakabalik na ito sa aksyon matapos magtamo ng injury sa kanyang debut game noong Enero 12.
Naglista lamang si Quiambao ng anim na puntos sa 57-84 kabiguan ng Skygunners kontra sa Seoul SK Knights.
Magandang balita rin ito para sa Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.
Kasama si Quiambao sa Gilas pool na sasabak sa final window ng qualifiers kung saan makakaharap ng Pinoy squad ang Chinese-Taipei sa Pebrero 20 at ang New Zealand sa Pebrero 23.
Bangas ang lineup ng Gilas Pilipinas dahil wala si bigman Kai Sotto na nagtamo naman ng torn anterior cruciate ligament (ACL) sa Japan B.League.
Kaya’t malaking tulong ang mabilis na paggaling ni Quiambao para makatulong sa Gilas.
- Latest