Wizards pinasikatan ng Suns

Tinapikan ng bola ni Suns forward Kevin Durant si Wizards guard Kyle Kuzma.

PHOENIX — Nagbagsak si Kevin Durant ng 29 points habang may 20 markers si Nick R­ichards bukod sa career-high 19 rebounds sa 119-109 pagpapasikat ng Suns sa Washington Wizards.

Ito ang pang-walong panalo ng Phoenix (23-21) sa huli nilang 11 laro.

Nagdagdag si Bradley Beal ng 20 points kasunod ang 18 markers ni Devin Booker na may 0-of-8 shooting sa 3-point line.

Pinamunuan ni Kyle Kuzma ang Washington (6-38) sa kanyang season-high 30 points at 11 rebounds habang may 19 markers si Jordan Poole.

Kinuha ng Suns ang 111-98 abante sa huling apat na minuto ng fourth quarter bago nakadikit ang Wizards sa 109-113 galing sa triple ni Kuzma sa natitirang 1:57 minuto.

Ang dalawang free throws ni Richards ang muling naglayo sa Phoenix para tiyakin ang paglusot sa Washington.

Sa San Francisco, humakot si Anthony Davis ng 36 points at 13 rebounds habang naglista si LeBron James ng 25 points at 12 assists sa 118-108 paggupo ng Los Angeles Lakers (25-18) sa Golden State Warriors (22-23).

Sa Chicago, bumira si Tyrese Maxey ng 31 points at may 22 markers si Kelly Oubre Jr. sa 109-97 paggiba ng Philadelphia 76ers (17-27) sa Bulls (19-27).

Show comments