MANILA, Philippines — Simula ngayon, ang bawat laro ng Choco Mucho ay inaalay ni Dindin Santiago-Manabat kay middle blocker Kat Tolentino.
Sa 21-25, 25-22, 25-18, 25-18 panalo ng Flying Titans laban sa PLDT High Speed Hitters noong Huwebes ay pumalo si Santiago-Manabat ng 16 points bukod sa walong excellent digs para sa kanilang 5-3 record sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Bago ang laro ay sumailalim si Tolentino sa isang surgery para sa kanyang pumutok na appendix.
“Actually, ‘yung nilaro ko inaalay ko talaga siya kay Kat kasi isa rin siya talaga sa inspirasyon nitong araw kasi parang hindi niya deserve ‘yung nangyari sa kanya,” ani Santiago-Manabat.
Kasalukuyan nang nagpapagaling si Tolentino, ngunit hindi pa alam kung kailan siya makakapaglaro para sa kampanya ng Choco Mucho.
“Sobrang sipag niya, sobrang bait niya, so pumunta ako dito siyempre mindset talaga is manalo and susunod lang sa sistema ni coach,” dagdag ng 31-anyos na si Santiago-Manabat.
Sa kanyang paglipat sa Flying Titans ay pangarap ng 6-foot-2 spiker na mabigyan ng korona ang koponan na may dalawang runner-up finishes sa nakaraang dalawang All-Filipino Conference.
“Gusto ko lang talaga is makatulong sa team kasi gusto ko na makagawa kami ng history sa Choco Mucho,” ani Santiago-Manabat.
Nakatakdang labanan ng Flying Titans ang Akari Chargers sa Pebrero 8 sa PhilSports Arena sa Pasig City.