Northport nagpatibay sa ‘twice-to-beat’

Sinagupa ni NorthPort import Kadeem Jack sa ilalim si Blackwater center Jewel Ponferada.

MANILA, Philippines — Namuro ang NorthPort sa ‘twice-to-beat’ quarterfinal advantage matapos pupugin ang Blackwater, 120-93, sa maugong na pagtatapos ng kampanya nito sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Halos hindi pinawisan ang Batang Pier sa 27-puntos na blowout win upang magtapos sa No. 1 seed sa ngayon hawak ang 9-3 kartada sa likod ng pu­wer­­sa nina import Kadeem Jack, Joshua Munzon at Arvin Tolentino.

Kailangan pang mag­hintay ng NorthPort sa natitirang laban ng iba pang koponan subalit ma­ganda ang kapalaran nito lalo’t tinalo ang dalawa sa tatlong tropang puwede nil­ang ma­katabla.

Hawak ang pare-parehong 7-3 kartada, tanging ang Meralco, Eastern at TNT na lang ang mga koponang maaaring makahabol sa Batang Pier sa 9-3 katada.

Mula sa tatlo, tinalo ng NorthPort ang Eastern, 120-113, at TNT, 100-95, habang sa Meralco lang nabigo, 94-111.

Nagawa ito ng Batang Pier mula sa trangko ni Jack na kumamada ng 30 points, 6 rebounds at 2 steals.

Nagbuslo naman ng 21 points si Munzon at kumolekta ng triple-double na 14 markers 10 re­bounds at 11 assists si To­lentino.

Sumuporta sa trio sina Allyn Bulanadi at Paolo Taha na may tig-12 points pati na sina Evan Nelle at Will Navarro na may tig-7 marka.

Kagagaling lang ng NorthPort sa 105-104 up­set win sa San Miguel at ki­nailangan lang ng first half upang makaalagwa sa Blackwater, 60-43, hanggang lumamang pa ng 36 points tungo sa tagumpay.

Ininda ng Blackwater ang kawalan ng import na si George King sa ikalawang sunod na laban upang magtapos sa 3-9.

Kahit wala si King ay tinalo ng Blackwater ang Phoenix, 100-92, subalit hindi umubra sa NorthPort nang sina Justin Chua at RK Ilagan lang ang nakaiskor ng 15 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.

Show comments