Mitchell bumida uli sa Cavs
CLEVELAND — Iniskor ni Donovan Mitchell ang 23 sa kanyang 33 points sa second half para banderahan ang NBA-leading Cavaliers sa 118-92 paggupo sa Phoenix Suns.
Nagdagdag si Darius Garland ng 16 markers para sa 21-2 home record ng Cleveland (36-6) bagama’t hindi naglaro sina injured rotational players Evan Mobley (calf), Isaac Okoro (shoulder) at guard Caris LeVert (wrist).
Pinangunahan ni Kevin Durant ang Phoenix (21-21 sa kanyang 23 points habang may 15 markers si Devin Booker.
Ang magkasunod na three-pointers ni Mitchell sa huling 36 segundo ng third quarter ang nagpadyak sa 93-70 kalamangan ng Cavaliers na hindi na napababa ng Suns sa fourth period.
Sa New York, bumira si Jalen Brunson ng 34 points para igiya ang Knicks (28-16) sa 119-110 pagdakma sa Atlanta Hawks (22-20).
Sa San Francisco, nagtala si Jayson Tatum ng 22 points at may 18 markers si Kristaps Porzingis sa 125-85 pagtambak ng nagdedepensang Boston Celtics (30-13) sa Golden State Warriors (21-21).
Sa Memphis, nagsalpak si Jaren Jackson Jr. ng 24 points kasunod ang 22 markers ni Desmond Bane sa 108-106 pagtakas ng Grizzlies (28-15) sa Minnesota Timberwolves (22-21).
- Latest