Deanna ariba agad sa PVL return
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si Choco Mucho setter Deanna Wong sa kanyang pagbabalik sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Pinamunuan ni Wong ang Choco Mucho sa 20-25, 20-25, 25-22, 25-22, 15-9 panalo laban sa ZUS Coffee noong Sabado.
Tila nanibago pa si Wong sa kanyang pagpasok sa court.
Subalit malaking tulong ang chemistry nito sa kanyang teammates para makapag-perform ng solidong laro para sa Flying Titans.
“Medyo alalay pa ako sa una pero I think also it’s because matagal na kasi kami magkasama so kahit nawala ako ng ganun katagal, nababalik din naman pagbalik ko sa training so hindi naging ganun kahirap,” ani Wong.
Alam ni Wong na marami pang kailangang ayusin para mas maging solido ang galaw ng kanilang team.
At desidido ang buong Flying Titans na kumayod ng husto para maibalik ang bagsik ng kanilang tropa.
“Alam namin sa sarili namin na sa amin yung problema so kami din makakapag-bigay ng solusyon dun. Lahat kami naging patient. It came to a point na parang we needed to regroup and we needed talk to each other, so ‘yun ang ginawa namin,” ani Wong.
Dahil sa solidong laro ni Wong, nakalikom si outside hitter Sisi Rondina ng 25 puntos habang nakagawa naman si Dindin Manabat ng 19 at pinagsamang 24 puntos sina Isa Molde at Lorraine Pecana.
Muling masusubukan ang tatag ng Choco Mucho sa Enero 23 kung saan makakagupa nito ang PLDT.
- Latest