3 bigating laro sa paghataw muli ng PVL
MANILA, Philippines — Tatlong bigating laro ang hahataw sa pagbabalik ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Unang sasalang ang Farm Fresh at Nxled ngayong ala-1:30 ng hapon kasunod ang upakan ng ZUS Cofee at Choco Mucho sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi ay magkikita ang PLDT at Akari.
Hangad ng Foxies, may 2-3 record, na makabangon mula sa naunang five-set loss sa Choco Mucho Flying Titans (3-3).
Ang kauna-unahang panalo naman ang puntirya ng Chameleons (0-5).
Muling aasahan ng Farm Fresh si Trisha Tubu na pang-apat sa hanay ng mga best scorers sa torneo sa kanyang 109 points.
Makakatuwang ni Tubu sina Rachel Anne Daquis, Jolina Dela Cruz at Lorene Toring na maglalaro sa unang pagkakataon.
Itatapat ng Nxled si Chiara Permentilla, pang-siyam sa mga best scorers sa kanyang 87 points, katulong sina Lycha Ebon, Lucille Almonte, Krich Macaslang, Janel Maraguinot at EJ Laure.
Sa ikalawang laro, puntirya ng Choco Mucho ang ikalawang sunod na ratsada sa pagharap sa ZUS Coffee (2-3).
Huling pinatumba ng Flying Titans ang Foxies, habang dalawang dikit na kamalasan ang nalasap ng Thunderbelles matapos humataw ng dalawang sunod na panalo.
Sina Sisi Rondina, Isa Molde, Kat Tolentino, Dindin Santiago-Manabat at Royse Tubino ang aasahan ng Choco Mucho laban kina Jovelyn Gonzala, Thea Gagate, Chinnie Arroyo at Michelle Gamit ng ZUS Coffee.
- Latest