Rain or Shine puwede pa sa ‘twice-to-beat’ bonus
MANILA, Philippines — Nakapuwersa ng karambola sa tuktok ng standings ang Rain or Shine matapos panisin ang primerang NorthPort, 127-107, upang manatiling nasa kontensyon ng ‘twice-to-beat’ incentive sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pitong players ang nagtulung-tulong sa double digits para sa Elasto Painters na umangat sa 6-3 kartada para makatabla ang Meralco, Ginebra at guest team Hong Kong Eastern sa No. 3 seed papasok sa homestretch ng 13-team single-round eliminations.
Ga-hibla ang ang hahabulin ng ROS sa lider na TNT Tropang Giga (5-2) pati na sa sumegundang NorthPort katabla ang Converge bitbit ang kapwa 7-3 baraha.
Nadale ng foul trouble ang import na si Deon Marshall Thompson subalit hindi pa rin napigilan sa paghakot ng 27 points, 11 rebounds, 2 assists at 2 blocks.
Umakbay sa kanya si Adrian Nocum na naglista ng 16 points, 10 rebounds at 7 assists, habang may parehong 16 markers si Santi Santillan.
Hitik pa ang nakatambal nila sa balanseng atake ng RoS tampok ang 13, 12, 11 at 10 points nina Andrei Caracut, Anton Asistio, Keith Datu at Beau Belga, ayon sa pagkakasunod.
Nagawa ito ng mga bataan ni coach Yeng Guiao matapos ang nagbabagang 33-18 ratsada sa first quarter at 62-44 sa halftime tungo sa panalo.
Walong puntos lang ang pinakamalapit na inabot ng NorthPort buhat noon, 56-64, sa simula ng third quarter matapos ang 12-2 na balikwas bago buhusan ng RoS ito gamit ang isang 20-5 birada para mabawi ang manibela sa 84-61.
Lumamang pa ng hanggang 25 points ang RoS na naiganti ang dalawang sunod na pagkatalo kontra sa Phoenix at Converge.
Hindi napigilan ng RoS ang super import na si Kadeem Jack na kumamada ng halimaw na 39 points, 11 rebounds, 1 assist, 3 steals at 2 blocks at sina Arvin Tolentino at Joshua Munzon lang ang nakatulong niya na may 19 at 17 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabila nito ay nahirapan ang dalawang super scorers ng Batang Pier.
- Latest