Blackwater sumilip ng pag-asa sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Kumakawag-kawag pa ang Blackwater sa playoffs matapos gulungan ang Terrafirma, 96-86, sa duwelo ng mga kulelat na koponan sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Maalat ang naging sultada ng Bossing subalit nakabawi sa dulo sakay ng 24-6 ratsada sa pinagdugtong na third at fourth quarter upang maipagpag ang winless subalit makulit na Dyip.
Subalit higit doon ay napatid ng Blackwater ang four-game losing skid nito upang makaangat sa 2-7 kartada at mapanatiling buhay ang pag-asa sa playoffs.
Upang magawa ito, kailangan ng Blackwater na maipanalo ang lahat ng natitira nitong laban kontra sa Converge, Phoenixt at NorthPort lalo’t may 4 na panalo na ang No. 8 seed na San Miguel.
Bagama’t inalat sa 9-of-31 clip, namuno sa Blackwater si George King na kumana ng 26 puntos sahog pa ang 12 rebounds, 3 assists at 3 steals para sa kumpletong performance.
Sumuporta sa kanya si Justin Chua na humakot ng 17 puntos at 12 rebounds habang may 15, 11 at 8 puntos sina Mike Ayonayon, Jaydee Tungcab at Christian David, ayon sa pagkakasunod.
Natamame sa zero puntos sa fourth quarter si King subalit sa kabutihang palad ay sinalo ng local crew ang kargada sa pangunguna nina Chua at Ayonayon, na binuhos ang lahat ng kanyang puntos sa second half.
Maagang natambakan ng double digits ang Blackwater bago unti-unting bumawi pero naghahabol pa rin sa 60-65 sa huling 4 na minuto ng 3rd quarter.
Doon na nagsimulang kumawala ang mga bataan ni coach Jeff Cariaso nang biglaang makapagtayo ng 84-71 abante na siyang pinakamalaking bentahe nila tungo sa tagumpay.
Hindi nagkasya ang 29 puntos at 16 rebounds ni Brandon Walton-Edwards pati na ang 17 at 12 puntos nina Louie Sangalang at Brent Paraiso, ayon sa pagkakasunod, para sa Terrafirma na laglag sa 0-10 ratsada tungo sa eliminasyon.
- Latest