Hawks pinalubog ang Suns
ATLANTA — Nagpaputok si Trae Young ng season-high 43 points at nalampasan ng Hawks ang kinamadang 35 markers ni Devin Booker para palubugin ang Phoenix Suns, 122-117.
Nagsalpak si Young ng anim na three-pointers at may 11-of-14 shooting sa free throw line habang nagkadena si Onyeka Okongwu ng 22 points at career high 21 rebounds.
Tinapos ng Atlanta (20-19) ang three-game winning streak ng Phoenix (19-20).
Iniskor ni Kevin Durant ang 14 sa kanyang 31 points sa third quarter para sa Suns na nalasap ang ika-11 sunod na kamalasan sa home team sapul noong Marso 24, 2014.
Kumonekta sina Young at Garrison Mathews ng pinagsamang walong triples sa first half para sa 64-56 halftime lead ng Hawks bago naiwanan sa 70-76 sa third period.
Isang 14-3 atake ang ginawa ng Atlanta para kunin ang 89-87 bentahe kasunod ang magkasunod na tres nina Dyson Daniels at Bogdan Bogdanovic para iwanan ang Phoenix sa 95-87.
Sa Dallas, bumanat si Jamal Murray ng 32 sa kanyang season-high 45 points sa first half sa 118-99 panalo ng Denver Nuggets (24-15) sa Mavericks (22-18).
Sa Indianapolis, tumipa si Donovan Mitchell ng 35 points para sa 127-117 dominasyon ng NBA-leading Cleveland Cavaliers (34-5) sa Indiana Pacers (22-19).
- Latest