Marcial dedma muna sa isyu, tutok sa ensayo
MANILA, Philippines — Ayaw na munang isipin ni two-time Olympian Eumir Marcial ang kontrobersiyang kinakaharap nito sa asawang si Princess.
Sa halip, nais ni Marcial na ituon na muna ang sarili sa training para masigurong nasa magandang kundisyon ito sa kabila ng mga isyu.
Kaya naman isinantabi muna ni Marcial ang mga personal na usapin upang hindi ito makaapekto sa kanyang boxing career.
Nais ni Marcial na pag-usapan na lamang ito sa tamang lugar lalo pa’t may kani-kanya nang abogado ang magkabilang panig para maresolba ito.
“Tuluy-tuloy pa rin ang ensayo,” ani Marcial.
Nagpost si Marcial ng video sa social media kung saan sumalang ito sa sparring session.
Pumutok ang isyu matapos isiwalat ni Princess sa social media ang umano’y pambababae, pananakit at pagbabanta ni Marcial sa kanya.
Pinabulaanan naman ni Marcial ang lahat ng paratang ng kanyang asawa.
Pinayuhan na si Marcial ng kanyang legal counsel na si Atty. Marlon Morada upang manahimik na muna.
Sasagutin ng kampo ni Marcial ang lahat ng akusasyon sa oras na matanggap na nito ang pormal na reklamo.
Sa kabilang banda, may panibagong post si Princess sa kanyang social media kung saan nai-share nito ang video matapos ang laban ni Marcial sa 2024 Paris Olympics.
Sa video, makikitang niyakap ni Princess si Marcial matapos itong matalo kay Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa round-of-16 ng men’s 80kg division.
Sinabi ni Princess na sa kabila ng paghihirap at sakripisyo sa training, naintindihan na nito ang dahilan kung bakit natalo si Marcial sa laban.
“Kaya pala. Ngayon ko naintindihan ang lahat. Kaya pala hindi binigay ng Diyos yung Paris Olympics sa atin despite sa lahat ng sakripisyo at paghihirap natin. Kaya pala kasi may ginagawa kana pala,” ani Princess sa post.
- Latest