Mojdeh opisyal nang miyembro ng national pool
MANILA, Philippines — Pormal nang isinama si Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh sa national training pool ng Philippine Aquatics Inc.
Nasa seniors division na ang tinaguriang ‘water beast’ matapos ang kanyang matagumpay na career sa juniors class.
Kasama na si Mojdeh sa listahan ng mga national athletes na nakakatanggap ng monthly allowance mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Kaya naman hindi maitago ni Mojdeh ang saya nito dahil isa ito sa katuparan ng kanyang pangarap — ang mapasama bilang isa sa opisyal na miyembro ng national pool.
“Reaching the National Training Pool feels surreal. It’s a testament to the power of consistent effort and the unwavering support of those around me,” ani Mojdeh.
Nangako si Mojdeh na ibubuhos nito ang kanyang lakas upang patuloy na mabigyan ng karangalan ang bansa sa iba’t ibang international tournaments na lalahukan nito.
“I am humbled an excited for this new chapter. I will pour my heart and soul into my training and strive to make our country proud,” ani Mojdeh.
Nagpasalamat ito sa Philippine Aquatics Inc. at Philippine Sports Commission sa suportang ibinibigay nito upang mas lalo pang umunlad ang swimming sa bansa.
Maningning ang juniors career ni Mojdeh matapos humakot ng kaliwa’t kanang gintong medalya hindi lamang sa local tournaments maging sa international stage.
Kabilang sa mga nilahukan nito ang World Junior Championships, Asian Age Group Championships, SEA Age Championships, Asean Schools Games at mga invitational tournaments sa Amerika, Canada, Japan, China, South Korea, Australia, France, South Africa, Qatar, United Arab Emirates, Singapore, Thailand at Malaysia.
- Latest