Alas Pilipinas Men hahataw sa AVC Champions League
MANILA, Philippines — Sasalang ang Alas Pilipinas Men sa 2025 Asian Volleyball Confederation (AVC) Men’s Champions League sa Japan para sa kanilang unang torneo ngayong taon.
Ito ay magiging bahagi ng preparasyon ng mga Pinoy spikers para sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Setyembre, ayon kay Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at AVC president Ramon ‘Tats’ Suzara.
Ang Alas Pilipinas Men ang kakatawan sa Cignal, ang six-time Spikers’ Turf champion, sa AVC Champions League.
Para mabigyan ng sapat na panahon ang national men’s team ay plano ni Suzara na tapusin nang maaga ang Spikers’ Turf conference kung saan naglalaro ang karamihan sa mga Alas players.
Sasabak din ang koponan sa ilang training camps sa Portugal at Spain matapos ang Japan tournamernt bukod sa isang pocket tournament 100 araw bago ang World Championship.
“My target for them is to stay outside the Philippines for the next three to four months, tapos balik sila dito 100 days before the competition,” wika ni Suzara.
Maliban sa Champions League ay hahataw din ang Alas Men sa Challenge Cup at sa SEA V.League bilang bahagi ng paghahanda para sa World Championship.
Sinimulan na ng PNVF ang preparasyon para sa pamamahala sa world meet katuwang ang gobyerno.
- Latest