Phoenix inakay ni Smith
MANILA, Philippines — Kumawala ang Phoenix sa second half tungo sa 122-108 panalo kontra sa Terrafirma para sa mainit na pagbabalik-aksyon nito sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Limang players ang kumamada ng double digits sa pangunguna ng 37 puntos, 7 rebounds, 3 assists at 5 assists ng import na si Donovan Smith para akayin ang Fuel Masters sa pahirapang tagumpay.
Hindi naman sumablay sa 6 na tira si Jason Perkins para tumapos sa 16 puntos, sahog pa ang 2 rebounds, 2 assists at 1 tapal upang banderahan ang local crew ng Phoenix na umangat sa 2-5 kartada.
Nag-ambag ng 14 puntos si Ricci Rivero habang may tig-10 puntos din sina Tyler Tio at Kai Ballungay para sa mga bataan ni coach Jamike Jarin.
Noong Disyembre 19 pa huling sumabak sa hardcourt ang Fuel Masters nang lumasap ng 105-116 kabiguan sa mainit na Converge at waring kinalawang nang maiwan agad sa hanggang 9-point deficit sa first half
Naghabol sa 29-38 ang Phoenix bago nahimasmasan sa paglunsad ng 31-13 birada sa second quarter upang mabaliktad ang iskor sa 60-49.
Wala nang nakaaawat sa Fuel Masters buhat noon nang lumamang pa ng hanggang sa 16 puntos tungo sa mailap na tagumpay matapos iskorin ang isa pa nitong panalo kontra sa NorthPort, 115-109.
Humakot ng kumpletong 25 puntos, 10 rebounds, 3 assists, 1 steal at 2 tapal si Brandon Walton-Edwards para sa Terrafirma na wala pa ring panalo sa walong salang upang manganib ang playoff chance nito.
Napurnada rin ang 22 puntos ni Louie Sangalang pati na ang 16, 12 at 11 puntos nina Brent Paraiso, Mark Nonoy at Kemark Cariño, ayon sa pagkakasunod, para sa koponan ni coach Raymond Tiongco.
- Latest