Doha training camp ng Gilas ikinakasa na ng SBP
MANILA, Philippines — Matinding paghahanda ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas para masiguro na handa ito bago sumalang sa dalawang laban nito sa final window ng FIBA Asia Cup qualifiers.
Kaya naman pakay ng coaching staff na dalhin ang Gilas Pilipinas sa middle east bilang bahagi ng preparasyon nito.
Ayon kay Gilas team manager Richard del Rosario, plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na ipadala sa Doha, Qatar ang tropa para doon magsanay.
Ikinakasa na ang mga kakailanganin para matuloy ang camp sa kalagitnaan ng Pebrero.
Paghahandaan ng tropa ang pagsabak nito kontra sa Chinese-Taipei sa Pebrero 20 at New Zealand sa Pebrero 23.
Maliban sa training camp, nais ng SBP na sumalang ang Gilas sa isang torneo bago tumulak sa Taiwan at New Zealand.
“We are planning to go to Doha and join a tournament before heading to Taipei and New Zealand,” ani del Rosario.
Pakay ng Gilas na walisin ang lahat ng asignatura nito sa qualifiers.
Kasalukuyang may malinis na 4-0 rekord ang Gilas kung saan awtomatiko na itong nabigyan ng tiket sa FIBA Asia Cup proper na gaganapin sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
Magkakaroon ng pahinga ang PBA Commissioner’s Cup bilang bahagi ng commitmment nitong suportahan ang Gilas.
Gagamitin naman ito ng Gilas para mapaghandaan ang mga laban nito sa FIBA Asia Cup qualifiers.
- Latest