Alyssa magpapalakas sa kampanya ng Cool Smashers sa PVL AFC
MANILA, Philippines — Mas magiging mabagsik pa ang Creamline lalo pa’t nakabalik na sa aksiyon si outside hitter Alyssa Valdez sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Desidido si Valdez na tulungan ang kanilang tropa na masungkit ang ika-11 titulo sa liga matapos itong hindi makapaglaro sa ilang kumperensiya noong nakaraang taon.
Bahagyang hindi naging maganda ang taong 2024 para kay Valdez na sumailalim sa ilang buwan na rehabilitasyon dahil sa iniindang injury.
Wala pa sa perpektong kundisyon si si Valdez,ngunit handang muling rumatsada sa oras na kailanganin ito sa loob ng court.
“I’m here to help the team. I’m working hard para makabalik sa perfect condition,” ani Valdez.
Umaasa si Valdez na mas magiging healthy ito sa taong ito gayundin ang kaniyang teammates upang mas lalo pang maging matinik ang kanilang tropa sa mga susunod na laban nito.
Hangad ni Valdez na wala nang magtamo pa ng injury hindi lamang sa Creamline maging sa lahat ng teams na nasa PVL.
“Sana wala nang ma-injure at maging healthy ang lahat ng athletes,” ani Valdez na isa sa tinitingalang atleta hindi lamang sa mundo ng volleyball kundi maging sa kabuuan ng Philippine sports.
Solido ang lineup ng Cool Smashers dahil marami itong pambala sa outside hitter position — ang posisyon ni Valdez.
Ilan na rito sina MVPs Tots Carlos, Jema Galanza at Michele Gumabao na tunay na maaasahan din.
“Iyong experience and leadership ni Alyssa sa team talagang nandoon. Kapag kailangan siya ng team parati siyang nandiyan para mag-deliver,” ani Creamline coach Sherwin Meneses.
- Latest