EASL semis spot target ng Bolts
MANILA, Philippines — Hindi lang sa pagbabalik-aksyon ng PBA Commissioner’s Cup naghahanda ang Meralco.
Mapapasabak kaagad ngayong Bagong Taon ang Bolts sa resumption ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup bukas subalit mas may malaking laban ang Bolts sa East Asia Super League kung saan sumusubok silang makapasok sa semifinals.
Hawak ang 2-2 kartada, nakasabit ang Meralco sa segunda puwesto ng Group B sa EASL papasok sa huling dalawang laro.
Wala pang panalo ang isa pang PBA team na San Miguel Beermen sa Group A bitbit ang 0-3 kartada.
Tanging ang Top 2 teams lang kada grupo ang aabante sa EASL Final Four sa Marso at nasiguro na ng Japanese club Ryukyu Golden Kings ang isa rito hawak ang 4-0 kartada.
Nasa likod ng Bolts ang Macau Black Bears, New Taipei Kings at Busan KCC Egis na may 2-3, 1-2 at 1-3 marka, ayon sa pagkakasunod.
Mas magandang standings sana ang nabaon ng Meralco papasok sa New Year subalit nasayang ang malaking bentahe sa KCC Egis, 68-72, sa Busan bago ang Pasko at long break ng PBA pati ng EASL.
Sa kabutihang palad ay makakasandal ang Bolts sa homecourt advantage nito sa Philsports Arena sa Pasig City sa Enero 22 kontra sa Ryukyu.
Tatapusin ng mga bataan ni coach Luigi Trillo ang kampanya nila kontra sa New Taipei Kings sa Pebrero 12 sa New Taipei.
- Latest