Pagbabalik ng PBA sa Linggo hitik sa aksyon
MANILA, Philippines — Pasabog agad ang aabangan sa pagbabalik-aksyon ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup sa unang weekend bill ng Bagong Taon.
Walang kapa-kapatid para sa Barangay Ginebra at San Miguel Beer na babanderahan ang double-header resumption ng PBA sa Linggo sa Smart-Araneta Coliseum matapos ang mahabang pahinga mula Pasko hanggang Bagong Taon.
Tampok din sa twin bill ang Hong Kong Eastern at Meralco para sa isa pang eksplosibong duwelo.
Subalit ang atensyon ay nasa Gin Kings at Beermen na parang fireworks ang magiging tagisan tulad ng naging pagsalubong ng mundo sa 2025.
“Coming off the break, we’ve got San Miguel. So it doesn’t get any easier,” ani coach Tim Cone ng Ginebra.
Babala ito ni Cone sa kanyang mga bataan kahit pa kagagaling lang sa pambihirang 95-92 buzzer-beating win kontra sa karibal na Magnolia sa Christmas Clasico ng PBA noong Disyembre 25.
Sa harap ng kanilang libu-libong fans, binura ng crowd darlings ang 22-point deficit sa isang pambihirang comeback na tinuldukan ng game-winning trey ni Scottie Thompson.
Hawak ng Ginebra ang 4-2 kartada sa ika-5 puwesto at sasalubong ang Beermen sa kanila na may 3-3 kartada sa ika-7 puwesto kaya krusyal ang magiging sagupaan papalapit sa playoffs.
“It takes a little bit off pressure on us because we remain towards the group on top, because if we lost, we would drop down to the middle or the bottom. So, it takes the pressure off us,” dagdag ni Cone.
Kung galing sa panalo ang Ginebra, yukod naman ang Beermen sa huling laban nito bago ang long break ng PBA matapos ang 99-91 overtime loss sa guest team na Hong Kong Eastern.
Ito ang dahilan kaya inaasahan ni Cone ang mas gigil at mas gutom na SMB sa gabay ni coach Leo Austria upang makatagay ng kinakailangang tagumpay at makaangat sa gitna ng team standings.
- Latest