Golf paboritong libangan ni Valdez
MANILA, Philippines — Maliban sa volleyball, nahihilig na rin sa golf si Creamline Cool Smashers team captain Alyssa Valdez.
Humakot na ng awards si Valdez sa mundo ng volleyball — mula pa noong nasa high school pa lamang ito sa University of Santo Tomas hanggang mag-college ito sa Ateneo de Manila University.
Makailang ulit itong naging Most Valuable Player sa UAAP bago tumulak sa professional volleyball kung saan kasalukuyan itong miyembro ng multi-champions Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL).
Ngunit bukod sa pagiging volleyball player, kinahihiligan din ng mahusay na balibolista ang golf na isa sa nagiging libangan nito sa tuwing may bakanteng oras ito.
Ilang videos na sa social media ang inilabas ni Valdez kung saan naglalaro ito ng golf.
Sa kanyang huling post, sinariwa nito ang ilang pagkakataon na nakapaglaro ito ng golf.
“Just hit the fairway twice this year — quality over quantity,” ani Valdez sa kanyang post sa social media.
Ilang sikat na golfers din ang pina-follow nito sa social media kabilang na si two-time US Open champion Yuka Saso gayundin ang mga world-class golfers gaya ni Rory McIlroy.
Matapos ang holiday season, balik-ensayo agad ang Cool Smashers para ipagpatuloy ang kampanya nito sa PVL All-Filipino Conference.
Sa kasalukuyan, tanging ang Cool Smashers na lang ang walang bahid sa standings tangan ang malinis na 4-0 marka.
Makakasagupa ng Creamline sa kanilang susunod na laro ang Capital 1 Solar Spikers sa Enero 21 sa Philsports Arena sa Pasig City.
- Latest