Yulo, Gilas at Alas Pilipinas gumawa ng ingay sa 2024
MANILA, Philippines — Sa taong 2024 muling nagpakitang-gilas ang mga Pinoy athletes.
Tampok dito ang sinikwat na dalawang gintong medalya ni top gymnast Carlos Edriel Yulo sa Olympic Games sa Paris, France.
Pinagharian ng tubong Leveriza, Manila ang men’s floor exercise at vault competitions ng nasabing quadrennial event matapos mabokya sa una niyang Olympic appearance sa Tokyo noong 2021.
Ito ang ikatlong Olympic gold ng Pilipinas matapos ang kauna-unahan ni national lady weightlifter Hidilyn Diaz sa Tokyo.
Kabi-kabilang cash incensives, bonuses, house and lot, condo unit, product endorsements at citations ang ibinigay sa 24-anyos na si Yulo sa kanyang pagbulsa sa dalawang Olympic gold sa Paris.
Umaasa ang 4-foot-11 na si Yulo na muli siyang makaka-qualify sa 2028 Olympics sa Los Angeles, USA.
Bukod kay Yulo ay nag-uwi rin ng tig-isang bronze medal sina Pinay boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas para tumapos sa No. 37 place sa overall medal standings ng Paris Olympcs.
Sa basketball, gumawa ng ingay ang Gilas Pilipinas matapos talunin ang World No. 6 Latvia, 89-80, sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Sumuko ang tropa ni coach Tim Cone sa mga world-ranked teams ding Georgia, 94-96, at Brazil, 60-71.
Nagdomina naman ang Nationals sa FIBA Asia Cup qualifiers para makakuha ng tiket sa Jeddah meet sa susunod na taon.
Sa volleyball, dalawang bronze medal ang hinataw ng Alas Pilipinas women’s team sa AVC Challenge Cup at sa Southeast Asia V.League.
May tansong medalya rin ang Alas Pilipinas men’s squad sa V.League.
- Latest