Paglalaro ni Romeo hinihintay ni Manuel
MANILA, Philippines — Umaasa si veteran forward Vic Manuel na makakalaro na si Terrence Romeo para makuha ng Terrafirma ang unang panalo sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Mula nang i-trade ng San Miguel Beermen sa Dyip kasama si Manuel ay hindi pa naglalaro si Romeo.
“Sa pagbalik namin ng bagong taon, sana makalaro na siya, makuha namin ‘yung first win namin,” wika ng 37-anyos na si Manuel sa 32-anyos na si Romeo.
Wala pa ring panalo ang Terrafirma sa kanilang pitong laro sa komperensya.
Nagmula ang Dyip sa 112-124 kabiguan sa Rain or Shine Elasto Painters (4-1) noong Linggo.
“Malungkot ‘yung Pasko ko ngayon kasi first time na winless sa conference,” sabi ng No. 9 overall pick ng B-Meg Llamados (ngayon ay Magnolia Hotshots) noong 2012 PBA Rookie Draft.
Sunod na lalabanan ng Terrafirma ang Phoenix (1-5) sa Enero 7 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Samantala, magtutuos bukas sa Araw ng Pasko ang Barangay Ginebra (3-2) at Magnolia (2-4) sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay maghaharap ang Meralco (3-1) at mainit na Converge (5-2).
Sumasakay ang FiberXers sa three-game winning run.
- Latest