Northport sinolo ang liderato

Nag-agawan sa bola sina imports Chris McLaughlin ng Eastern at Kadeem Jack ng NorthPort.
PBA Image

MANILA, Philippines — Mabilis na nakabalikwas ang NorthPort matapos silatin ang Hong Kong Estern, 120-113, upang ma­kabalik agad sa winning column ng 2024 PBA Commissioner’s Cup kaha­pon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Kagagaling lang ng Ba­tang Pier sa kabiguan kontra sa dating walang pa­nalong Phoenix Fuel Mas­ters at ibinuhos ang ga­lit sa dayong koponan para mapanatili ang tangan sa liderato ng 13-team standings hawak ang 6-1 kartada.

Nagliyab sa 38 points at 9 rebounds si import Kadeem Jack sahog pa ang 2 assists, 3 steals at 2 tapal para trangkuhan ang Batang Pier.

Nakatambal niya si Arvin Tolentino na kuma­mada ng 35 points, 6 rebounds at 3 assists.

Sumuporta sina Joshua Munzon at Will Navarro na may 15 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, pa­ra sa mga bataan ni coach Bonnie Tan na nalasap ang unang kabiguan kontra sa Fuel Masters, 109-115.

Hindi agad nakausad ang barko ng NorthPort sa first quarter nang maiwan sa hanggang 21-29 bago ma­kabawi sa second half para makapagbaon ng 63-60 abante sa halftime.

Doon na nagsimulang kumawala ang NorthPort tampok ang hanggang 11 puntos na bentahe upang makumpleto ang upset win kontra sa paboritong Hong Kong club.

Laglag sa ikalawang kabiguan ang Eastern, ka­gagaling lang sa 69-58 homecourt win nito kontra sa San Miguel sa East Asia Super League, hawak ang 5-2 kartada kasunod ang Meralco, Ginebra at Rain or Shine na may pare-parehong 3-1 kartada.

Hindi nagkasya ang 26 points, 19 rebounds, 5 assists at 1 block ni import Chris McLaughlin, habang may 24, 18 at 13 points sina Hayden Blankley, Kobey Lam at Glen Yang, ayon sa pagkakasunod.

Show comments