Concio kampeon sa Philippine National Juniors chessfest
MANILA, Philippines — Pinayuko ni International Master Michael Concio Jr. si former leader Gabriel Ryan Paradero upang sungkitin ang pangalawang sunod na korona sa Philippine National Juniors Chess Championships na nilaro sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) sa Mindanao Avenue, Quezon City, Martes ng gabi.
Nilista ni Concio ang 6.5 points matapos ang 55 moves ng King’s Indian Attack kontra Paradero sapat upang magkampeon sa event na sinalihan ng matitikas na batang woodpushers sa bansa.
Maagang nagparamdam ng lakas si Concio, dinomina si Paradero sa opening phase kung saan ay nag-sacrificed ng isang piyesa upang magkaroon ng atake sa kingside attack.
Dahil sa panalo, ipaparada ng Dasmariñas bet, na si Concio ang Pilipinas sa World Juniors Championships sa Pebrero sa susunod na taon sa Petrovac, Montenegro kung saan ay may tsansa itong matupad ang pangarap na maging Grandmaster.
Hinamig rin ni Concio ang P20,000 premyo sa tournament na inorganisa ng National Chess Federation at suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC).
Makakasama ni Concio sa Petrovac si Lexie Hernandez na siyang nagreyna sa girls’ section.
Nakisalo si Paradero sa three-man logjam sa second kasama sina Cedric Khalel Abris at FIDE Master Mark Jay Bacojo na may tig-anim na puntos pero lumanding sa fourth dahil mababa ang kanyang tiebreak score.
Binulaga ni Abis si former national juniors titlist FM Alekhine Nouri kaya nakuha nito ang second place habang si Bacojo na pinisak si Phil Martin Casiguran ay nakuntento sa third place.
Samantala, nagsisimula na rin maghanda sina Concio at Hernandez para sa susunod na sasalihang tournament.
- Latest