Batang Pier matikas pa rin
MANILA, Philippines — Wala pa ring galos sa tuktok ng standings ang NorthPort matapos kaldagin ang top rookie pick na si Justine Baltazar sa kanyang debut para sa Converge, 108-101, sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Nagkapit-bisig sina import Kadeem Jack at PBA Press Corps Player of the Week Joshua Munzon upang mapurnada ng Batang Pier ang unang salang ni Baltazar sa PBA mula sa MPBL at mapalawig ang unbeaten campaign nila sa 5-0.
Kumulimbat ng 32 puntos at 15 rebounds si Jack sahog pa ang tig-1 assist, 1 steal at 1 tapal habang tumikada ng 30 puntos, 3 rebounds, 3 assists, 3 steals at 1 tapal si Munzon.
Tinulungan din sila ng star player na si Arvin Tolentino sa likod ng kanyang double-double na 21 puntos at 13 rebounds kasama pa ng 2 assists at 2 steals para sa mga bataan ni coach Bonnie Tan.
Unang pinalubog ng Batang Pier ang NLEX, 114-87, Terrafirma, 113-101, Magnolia, 107-103 at Talk ‘N Text, 104-99, bago muntikang malasap ang unang kabiguan kontra sa pinalakas na FiberXers kasama si Baltazar na siyang napili nila bilang No.1 pick sa PBA draft ngayong season.
Buong larong napag-iwanan ang NorthPort na tumingala sa hanggang 13 puntos na deficit bago makaalpas sa fourth quarter, kung saan nila hinataw ang FiberXers, 33-25.
Bukod sa pagpurnada sa PBA debut ni Baltazar, na sinikwat ang back-to-back MPBL MVP para sa back-to-back MPBL champion na Pampanga, diniskaril din ng NorthPort ang career-high na 30 puntos sahog pa ang 6 rebounds at 6 assists ni Jordan Heading.
Nalimitihan lang sa 5 puntos, 4 rebounds at 3 assists si Baltazar habang nauwi rin sa wala ang 16, 15 at 13 puntos nina Alec Stockton, Schonny Winston at import na si Cheick Diallo, ayon sa pagkakasunod.
Sadsad sa 2-2 kartada ng Converge.
- Latest