UAAP crown humulagpos sa UP
MANILA, Philippines — Halos mahigit limang minuto na lang at masisilo na ng University of the Philippines ang mailap na korona sa Game 2 ng UAAP Season 87 men’s basketball championship at matutuldukan na rin sana ang dalawang sunod na taong first runner-up finishes.
Nakauna ng panalo ang Fighting Maroons sa Game 1 at sa Game 2 ay lamang sila ng walo, 71-63, may 5:12 minuto sa fourth quarter pero pumiglas sa kamay nila ang korona.
Nagliyab ang opensa ni back-to-back MVP Kevin Quiambao para akbayan ang defending champion De La Salle University sa 76-75 panalo kontra UP noong Miyerkules.
Dahil sa panalo ng Taft-based squad ay nakahirit sila ng do-or-die Game 3 sa Linggo.
Inako naman ni Francis Lopez ang pagkatalo ng UP dahil sa mga krusyal na mintis sa free throw line at error sa dulo ng laban.
“There’s no excuse. I just missed them. Can’t do anything but move on and still have a Game 3, still have another opportunity,” ani Lopez, “Just gonna be focused on that.”
Lamang ang La Salle ng isang puntos, 76-75, mau-ungusan sana ng Fighting Maroons pero sinablay ni Lopez lahat ng apat niyang free throws.
Mintis din ang dalawang libreng tira ng teammate ni Quiambao na si Mike Phillips, na-rebound ni Lopez pero nag-error nang ipasa nito ang bola kay JD Cagulangan.
Huling tsansa ng UP nang malasin din si Quiambao sa dalawang free throws nito may 12.1 segundo na lang sa orasan.
Nahablot ni Lopez ang bola pero hindi niya nakontrol at naubos ang kanilang oras.
- Latest