McLaughlin mainit ang debut sa Hong Kong
MANILA, Philippines — Nakailag sa malaking silat ang Hong Kong Eastern matapos umiskor ng dikit na 84-75 panalo kontra sa winless na Blackwater sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Nagpasiklak agad si Christopher John McLaughlin sa kanyang PBA debut nang umariba sa halimaw na double-double na 32 puntos at 23 rebounds sahog pa ang 3 assists, 1 steal at 1 tapal upang trangkuhan ang PBA guest team na Hong Kong.
Pinalitan ni McLaughlin si Cameron Clark at hindi binigo ang koponan tungo sa 4-1 kartada.
Nag-ambag ng 14 at 10 puntos sina Glen Yang at Kobey Lam para sa Eastern na sinikwat ang ikalawang sunod na tagumpay matapos malasap ang unang kabiguan kontra sa Rain or Shine, 99-81.
Subalit hindi ito naging madali dahil kinailangan ng Hong Kong ang mainit na ratsada sa second half upang mabura ang 39-49 deficit sa halftime.
Naunahan ang Hong Kong ng gigil at gutom na Blackwater bago magpakawala ng pambihirang 27-9 ratsada sa third quarter upang maagaw ang bentahe, 66-58.
Hindi na lumingon pa ang Eastern na umabante sa hanggang 16 puntos, 80-64, tungo sa tagumpay.
Tanging si George King na may 41 puntos at 12 rebounds lang ang naka-iskor ng double digits para sa Bossing na nalaglag sa 0-3 kartada.
Kapos din ang tig-9 puntos nina Rey Suerte at Sedrick Barefield, na nagbalik mula sa plantar faschitis injury, para sa Blackwater.
- Latest