Pinoy junior tankers wagi ng 8 medals sa SEA Age
MANILA, Philippines — Umani ang Pinoy junior tankers ng walong medalya — isang ginto, anim na pilak at isang tanso — sa 46th Southeast Asian Age Group Championships sa Assumption University swimming pool sa Bangkok, Thailand.
Napasakamay ni Jamesray Ajido ang nag-iisang gintong medalya ng koponan nang maitarak nito ang bagong SEA Age record sa boys’ 14-15 50m butterfly.
Nagsumite si Ajido ng 25.53 segundo para burahin ang dating marka ni Vietnamese Nguyen Hoang Khang na naitala noong 2018.
Maliban sa ginto, nagdagdag pa si Ajido ng dalawang pilak.
“Our youth program is like a gift that keeps on giving, and the PAI is truly proud of our young athletes for keeping the winning spirit alive despite huge and tough challenges,” ani Philippine Aquatics, Inc. (PAI) secretary general Eric Buhain.
Kumana naman ng dalawang pilak na medalya si World Cup finalist at World Junior Championships semifinalist Micaela Jasmine Mojdeh sa kanyang huling pagsalang sa SEA Age Group Championships.
Nagdagdag naman si Carmina Sanchez Tan ng pilak sa women’s solo free, habang may pilak at tanso si Ivo Nikolai Enot.
- Latest