Gazz Angels sinolo ang 3rd place
MANILA, Philippines — Hinataw ng Petro Gazz ang ikatlong sunod na panalo matapos talunin ang PLDT Home Fibr, 12-25, 25-14, 25-22, 25-20, sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sinolo ng Gazz Angels ang ikatlong puwesto sa kanilang 4-1 record, habang laglag ang High Speed Hitters sa 3-2 kasama ang dalawang dikit na pagkatalo.
Pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 21 points tampok ang 18 hits bukod sa 12 excellent digs para banderahan ang Petro Gazz.
“I would say first set didn’t go as planned but we just have to stay calm, stay connected and stay together,” sabi ni Van Sickle sa first set loss nila. “Things happened and we just have to make sure we have that grit and that mental focus.”
Nagdagdag si Myla Pablo ng 19 markers, habang may 17 points si Jonah Sabete.
Binanderahan ni Fil-Canadian Savi Davison ang PLDT sa kanyang game-high 28 points mula sa 26 attacks, isang block at isang service ace habang may tig-walong marka sina Erika Santos at Fiola Ceballos.
Sa likod ni Davison ay kinuha ng High Speed Hitters ang first set, 25-12, tampok ang drop ball ni Angge Alcantara bago nakabawi ang Gazz Angels sa pamumuno nina Van Sickle at Pablo para makatabla sa second frame.
Muling bumida sina Van Sickle at Pablo katuwang si Sabete para sa 25-22 panalo ng Petro Gazz sa third set patungo sa pagdispatsa sa PLDT sa fourth frame.
- Latest