Crossovers diretso sa ika-2 dikit
MANILA, Philippines — Dumiretso ang Chery Tiggo sa ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang PLDT Home Fibr, 25-12, 25-23, 20-25, 25-22, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Naglista si libero Jen Nierva ng 17 excellent digs at 16 excellent receptions para itaas ang baraha ng Crossovers sa 3-1 katabla ang High Speed Hitters sa second spot sa team standings.
“Early this morning talagang inaral ko ulit sila,” ani Nierva sa PLDT. “All of their tendencies, kung ano iyong puwede nilang gawin inside the court.”
Umiskor si Ces Robles ng 17 points mula sa 14 attacks at tatlong services aces para sa Chery Tiggo habang nagdagdag sina Ara Galang, Shaya Adorador at Pauline Gaston ng 13, 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Masaya po kami kasi lahat ng pinagtrabahuhan namin the last few days nagawa namin, lahat ng game plan namin, lahat ng sinasabi ng mga coaches and kung ano iyong pag-a-adjust namin sa kalaban,” wika ni Robles.
Sa pangunguna ni Robles ay itinayo ng Crossovers ang 2-0 kalamangan bago maagaw ng High Speed Hitters ang third set, 25-20, sa likod ni Fil-Canadian Savi Davison.
Muling bumida si Davison sa fourth frame para itabla ang PLDT sa 20-20.
Nagsanib-puwersa sina Galang at Adorador para ilayo ang Chery Tiggo sa 23-20.
Ang service error ni Galang ang naglapit sa High Speed Hitters sa 22-24 habang ang crosscourt attack ni Adorador ang sumelyo sa panalo ng Crossovers.
Binanderahan ni Davison ang PLDT sa kanyang game-high 27 points buhat sa 24 hits at tatlong blocks at may 13 markers si Erika Santos.
- Latest