SBP tututukan pa ang Gilas program
MANILA, Philippines — Mas palalakasin pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang programa nito para sa Gilas Pilipinas.
Tututukan ang overall performance ng Gilas Pilipinas at ni head coach Tim Cone.
Mismong si Cone na ang nagsabi na sasailalim sa pagsusuri ang buong team at coaching staff bago matapos ang taon.
“The players are going to be assessed. Everything is going to be assessed by year end,” ani Cone.
Galing ang Gilas Pilipinas sa panalo kontra sa New Zealand, 93-89, at Hong Kong, 93-54, sa katatapos na FIBA Asia Cup Qualifiers na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang panalo ang nagdala sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2025 na gaganapin sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
Walang duda na makakakuha ng mataas na marka ang Gilas Pilipinas mula sa pamunuan ng SBP lalo pa’t maganda ang programa ni Cone para sa tropa.
“Hopefully, everybody, all the higher-ups are pleased with what’s been going on and they are going to want to keep a continuous program going,” ani Cone.
Gagawin ang evaluation upang malaman pa ang mga aspetong kailangang tutukan ng SBP.
Nauna nang inihayag ni Cone na ang pagiging head coach nito sa Gilas Pilipinas ay isang “trial period” lamang.
- Latest