Akari babangon
MANILA, Philippines — Sinimulan ng Akari ang 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa dalawang four-set wins.
Ngunit sa kanilang ikatlong laro ay nakalasap ang Chargers ng 24-26, 17-25, 16-25 pagkatalo sa nagdedepensang Creamline Cool Smashers noong Nobyembre 23 sa Candon City, Ilocos Sur.
Pilit babangon ang Akari sa nasabing kabiguan sa pagharap sa Farm Fresh ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Nxled at Capital1 Solar Energy sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kagaya ng Chargers, nakatikim din ang Foxies ng 21-25, 17-25, 19-15 pagbagsak sa Petro Gazz Angels.
Babanderahan nina Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Eli Soyud, Faith Nisperos, Fifi Sharma, Erika Raagas at Kamille Cal ang Akari katapat sina Trisha Tubu, Louie Romero, Caitlyn Viray, Rizza Cruz at Alyssa Bertolano ng Farm Fresh.
Sa unang laro, inaabangan naman ang debut ni EJ Laure para sa Chameleons sa pakikipagkita sa Solar Spikers.
“Leadership talaga gusto kong ibigay sa team. Actually kasi, hindi naman talaga ako vocal. Gusto ko talaga ‘yung parang in action ko muna gawin para hindi sila nape-pressure,” ani Laure na nagmula sa Chery Tiggo Crossovers (2-1).
May magkatulad na 0-3 record ang Nxled at Capital1 kasunod ang Galeries Tower (0-4) sa ilalim ng team standings.
- Latest