PLDT malakas pa rin ang signal
MANILA, Philippines — Inangkin ng PLDT Home Fibr ang solong liderato matapos walisin ang Capital1 Solar Energy, 25-17, 25-20, 25-17, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Fil-Canadian Savi Davison ng 17 points tampok ang 16 attacks para ibigay sa High Speed Hitters ang ikatlong sunod na panalo.
“Nangyari lahat, na-execute lahat. So kapag ganoon naman, regardless ng result, happy kami kasi nagawa namin ang trabaho. So bonus na lang na straight win,” wika ni coach Rald Ricafort
Nagdagdag sina Fiola Ceballos at Erika Santos ng tig-11 markers habang may siyam na puntos si Dell Palomata kasama ang tatlong blocks.
Laglag ang Solar Spikers, nakahugot kay Heather Guino-O ng 10 points, sa 0-3 marka.
“Siguro, unang-una iyong reception namin. Iyong mga next games namin malalakas na iyong serve nila eh. So dapat consistent kami sa reception,” ani Kath Arado na nag-ambag ng 14 excellent digs.
Matapos kunin ang 2-0 bentahe ay itinala ng PLDT ang 5-1 abante sa pagsisimula ng third set patungo sa pagpoposte ng 15-6 kalamangan.
Nagsimulang humabol ang Capital1 sa 15-21 mula sa block point ni Jorelle Singh.
Ngunit nagtambal sina Ceballos, may 16 excellent digs, at Santos para tuluyan nang selyuhan ang panalo ng High Speed Hitters.
Sunod na lalabanan ng PLDT ang Chery Tiggo sa Disyembre 3, habang haharapin ng Capital1 ang Nxled sa Sabado.
- Latest