Lady Bulldogs winalis ang Lady Spikers
Para sa 3-peat sa SSL volley
MANILA, Philippines — Kinahon ng National University ang pangatlong sunod na kampeonato matapos kalusin ang De La Salle University, 23-25, 25-18, 25-16, 25-20 sa Game 2 ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship best-of-three finals na nilaro sa Rizal Memorial Complex kagabi.
Matagumpay na nadepensahan ng Lady Bulldogs ang kanilang titulo nang magtulungan sa opensa sina Bella Belen, ang Most Valuable Player, (MVP) at Alyssa Solomon.
Napalaban ng todo ang NU sa unang set, yumuko sila, 23-25 sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.
Pero hindi nasindak ang pambato ng NU na sina Solomon at Belen, nagtulungan sa opensa para akbayan ang Lady Bulldogs sa tatlong natitirang sets para tapusin ang serye.
Tumikada si Bellen ng 15 points mula sa 12 attacks, dalawang blocks at isang steal na siya ring nahirang na MVP of the match.
“Talagang pinaghirapan namin yung panalo namin alam namin yung La Salle lalaban po talaga yan.” ani Belen.
Buenamano naman si Sherwin Meneses dahil sa kanyang unang taon bilang coach ng NU ay nakopo agad ang kampeonato.
Samantala, pinalo ng Far Eastern University ang 20-25, 25-19, 23-25, 25-19, 15-12, panalo kontra University of Santo Tomas upang sikwatin ang bronze sa kanilang knockout battle for third.
Lubog ng dalawang sets, pero umahon agad ang Lady Tamaraws matapos silang banderahan ni Jaz Ellarina sa opensa at sikwatin ang tatlong natitirang frames.
Kumana ng importanteng puntos si Ellarina sa deciding set upang kumpletuhin ang pagwalis ng Lady Tams sa Golden Tigresses sa dalawang beses nilang paghaharap.
- Latest