Netizens saludo kay Tim Cone
MANILA, Philippines — Maganda ang itinatakbo ng Gilas Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni head coach Tim Cone.
May isang taon pa lamang nang kunin nito ang Gilas Pilipinas coaching duties mula kay dating coach Chot Reyes.
Ngunit kaliwa’t kanan na ang tagumpay ng Gilas Pilipinas sa iba’t ibang international tournaments.
Kaya naman umani ng papuri si Cone partikular na sa magandang programa nito sa Gilas Pilipinas.
Sinimulan ni Cone ang ratsada nang dalhin nito ang Gilas Pilipinas sa kampeonato sa 2023 Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Ito ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa naturang quadrennial meet sa loob ng ilang dekada.
Hindi rin malilimutan ang matikas na kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na ginanap noong Hulyo sa Riga, Latvia.
Pinataob ng Gilas Pilipinas ang world No. 6 Latvia — ang unang pagkakataon na nanalo ang isang Philippine team kontra sa isang European squad sapul noong 1960.
Nakapasok sa semifinals ang Gilas Pilipinas sa FIBA Olympic qualifiers subalit natalo ito sa eventual champion Brazil na siyang umani ng puwesto sa Paris Olympics.
Muling inilagay ni Cone sa kasaysayan ang kanyang pangalan nang manduhan nito ang Gilas Pilipinas sa panalo kontra sa New Zealand sa FIBA Asia Cup Qualifiers na ginanap sa Mall of Asia Arena.
- Latest