Sotto buhay pa ang NBA dream
MANILA, Philippines — Buhay na buhay pa ang pangarap ni Kai Sotto na maging kauna-unahang Filipino homegrown player sa NBA.
Iyan ay kung si Gilas Pilipinas naturalized Justin Brownlee ang tatanungin matapos personal na masaksihan ang kalibre nito sa makasaysayang 93-89 panalo ng Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa ikalawang window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers kamakalawa sa Mall of Asia Arena.
“Man, I’ve been saying it: I feel like he’s good enough to play in the NBA, in my opinion,” deklara ni Brownlee na naglista ng 26 puntos, 11 rebounds, 4 assists, 2 steals at 2 blocks sa panalo ng Gilas.
Ito ang unang panalo ng Gilas sa kasaysayan kontra sa New Zealand buhat nang masali ito sa FIBA Asia zone at hindi ito maisasakatuparan ng Nationals kung wala rin ang 7-foot-3 sensation ni Sotto.
Hindi lang kasi si Brownlee ang bumida sa Gilas na yumukod ng apat na beses sa New Zealand tampok ang 24.3 puntos na losing averaging margin dahil nagpasiklab din si Sotto sa opensa at sa depensa.
Halos triple-double na 19 puntos, 10 rebounds at 7 assists sahog pa ang 1 steal at 2 tapal ang kontribusyon ni Sotto na ikinabilib ni Brownlee para sa kanilang 3-0 kartada sa Group B ng Asia Cup Qualifiers.
“Of course, he got the height, he got the size, and the skills but he’s been improving so much. For me, it’s just great to see a young player like him with so much potential,” ani Brownlee, na siyang resident import din ng Ginebra sa PBA.
Nagawa ito ni Sotto kahit pa kagagaling lang sa concussion protocol matapos ang collision sa Japan B. League.
- Latest