UE ‘DI puwedeng kumurap vs UP
MANILA, Philippines — Sisikapin ng University of the East na makuha ang panalo pagharap nila sa University of the Philippines sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan ngayong araw.
Ito’y para hindi na dumaan sa playoffs para sa huling slot sa semifinals.
Magsisimula ang bakbakan sa pagitan ng Red Warriors at last year’s runner-up Fighting Maroons sa alas-5:30 ng hapon at tiyak na kakapitan ng una si Wello Lingolingo.
Tangan ang 6-7 karta, nasa pang-apat na puwesto ang UE sa team standings pero may tsansa ang Adamson University (5-8) na nasa pang-lima kaya kailangan ng Recto-based squad na manalo upang masiguro ang paglaro sa Final Four.
Aminado si Lingolingo na sumasablay ang kanya laro kaya nais nitong makabawi upang matuldukan ang four-game losing streak ng UE.
“I’m dealing with my own emotions din, kailangan ko rin bumawi at kailangan ko rin ipakita sa kanila na as a leader, kailangan ko rin mag-perform. ‘Yun ata yung kulang sa akin,” pahayag ni Lingolingo.
Nalugmok ang Red Warriors sa Ateneo de Manila University, 67-71 noong Miyerkules ng gabi sa UST Quadricentennial Pavilion.
“It’s really hard dahil hindi rin kami makabawi. We’re gonna try our best pa rin. We’re gonna clinch that Final Four spot, for sure talaga.” ani Lingolingo.
Panigurado na sa magic four ang defending champions De La Salle University na nasa tuktok ng liderato tangan ang 12-2 record, pangalawa ang Fighting Maroons na hawak ang 10-3 card habang nasa No. 3 ang University of Sto. Tomas sakmal ang 7-7 baraha.
- Latest