ZUS Coffee sasampa sa win column vs Nxled
MANILA, Philippines — Nadiskaril ang debut nina No. 1 overall pick Thea Gagate at veteran Jovelyn Gonzaga para sa ZUS Coffee matapos matalo sa Akari noong Nobyembre 14 sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Kaya inaasahang babawi sina Gagate at Gonzaga sa pagharap ng Thunderbelles sa Nxled Chameleons ngayong alas-4 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa ikalawang laro sa alas-6:30 ng gabi ay maglalaban ang PLDT High Speed Hitters at Galeries Tower Highrisers.
Hangad ng High Speed na makisosyo sa Chargers sa liderato sa pagharap sa Highrisers.
Nakalasap ang ZUS Coffee ng 14-25, 21-25, 23-25 kabiguan sa Akari kung saan naglista ang 6-foot-2 na si Gagate ng 13 points, habang may walong marka si Gonzaga.
“Since I’m one of the tallest players here, gusto ko talaga mag-improve pa sa lahat ng skills ko para maka-contribute sa team namin,” ani Gagate.
Komportable naman ang 33-anyos na si Gonzaga sa bago niyang tropa.
“Happy ako na ZUS ang napuntahan ko na team. Unang-una, mga bata. At the same time, kung may natututunan sila sa akin, ako rin may natutunan,” wika ni Gonzaga.
Galing din sa pagkatalo ang Nxled nang yumukod sa PLDT, 15-25, 17-25, 25-22, 22-25, tampok ang PVL coaching debut ni Italian Ettore Guidetti.
Bukod kina Gagate at Gonzaga ay muli ring aasahan ng Thunderbelles sina Chay Troncoso, Kate Santiago, Mich Gamit at Cloanne Mondonedo katapat sina Chiara Permentilla, Lycha Ebon, Krich Macaslang at Lucille Almonte ng Chameleons.
- Latest