MANILA, Philippines — Naitakas ng Quezon Tangerines ang dikdikang 25-22, 25-23, 23-25, 19-25, 15-10 panalo kontra sa dehadong Rizal St. Gerrard Charity Foundation para makasampa sa finals ng 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) kahapon sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Nag-akbay sina Rhea Mae Densing at Mycah Go upang trangkuhan sa dikit na tagumpay ang Tangerines na nasulit ang twice-to-beat incentinve bilang No. 1 team sa two-round eliminations bitbit ang 14-2 kartada.
Kumamada ng 29 puntos sa 26 hits at 3 tapal si Densing habang may 23 naman si Go para sa Quezon na pinatunayan ang kalibre kahit bagong salta palang sa upstart volleyball league na itinatayo ni dating Senador at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nakatulong din nila sina Cristy Ondangan at Mary Grace Borromeo na may 14 at 8 puntos, ayon sa pagkakasunod sa 2-0 sweep nila sa Rizal sa eliminations.
Makakaharap ng Quezon ang mananalo sa pagitan ng No. 2 na Bacoor Strikers at No.3 na Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist na naglalaban pa as of press time sa kabilang semifinal pairing.