Choco Mucho, Galeries unahang bumangon
MANILA, Philippines — Mag-uunahan sa pagbangon mula sa kabiguan ang Choco Mucho at Galeries Tower sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Magtutuos ang Flying Titans at Highrisers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang duwelo ng Akari Chargers at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
May magkakatulad na 1-0 record ang PLDT Home Fibr, Akari, Petro Gazz at Chery Tiggo, habang may magkakaparehong 0-1 baraha ang Choco Mucho, Galeries Tower, Capital1 Solar Energy at Nxled.
Nakalasap ang Flying Titans ng 20-25, 28-26, 21-26, 16-25 pagkatalo sa Gazz Angels kung saan humataw si Sisi Rondina ng 18 points kasunod ang tig-12 markers nina Cherry Nunag at Kat Tolentino.
“Not their day, but they’re gonna come back bouncing back. So definitely, we’ll see more of them for sure,” ani Petro Gazz star Brooke Van Sickle sa Choco Mucho na pinaulanan niya ng 34 points.
Bagama’t minalas sa Chargers, 30-28, 15-25, 16-25, 23-25, ay masaya pa rin si rookie setter Julia Coronel sa kanyang PVL debut para sa Highrisers.
Sa ikalawang laro, target ng Akari ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa ZUS Coffee na ipaparada sina No. 1 overall pick Thea Gagate at veteran Jovelyn Gonzaga.
- Latest