MANILA, Philippines — Nalampasan ng PLDT Home Fibr ang paghahabol ng Nxled sa fourth set para kunin ang 25-15, 25-17, 22-25, 25-22 panalo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Fil-Canadian Savi Davison ng 19 points para sa 1-0 record ng High Speed Hitters habang may 16, 14, 13 at 10 markers sina Erika Santos, Majoy Baron, Fiola Ceballos at Dell Palomata.
Nag-ambag si setter Angge Alcantara ng 13 excellent sets at 3 attacks.
“Pag-focus lang talaga at pagiging mindful na gampanan iyong role na ibinigay sa akin,” ani Alcantara. “Mabigat siya at palagi namang may pressure. Pero sa tulong ng mga teammates ko, ng mga ates ko palagi nila akong gina-guide.”
Pinamunuan ni Chiara Permentilla ang Chameleons sa kanyang game-high 21 points kasunod ang 16 markers ni Lycha Ebon.
Diniskaril ng PLDT ni coach Rald Ricafort ang PVL coaching debut ni Italian Ettore Guidetti para sa Nxled.
Matapos kunin ng High Speed Hitters ang 2-0 abante ay nakabawi ang Chameleons sa likod nina Permentilla at Ebon para agawin ang third set, 25-22.
Ngunit pagdating sa fourth frame ay hindi na nakaporma ang Nxled.
Mula sa 2-2 pagkakatabla ay unti-unting nakalayo ang PLDT para iposte ang 22-16 bentahe sa pamumuno nina Davison at Ceballos.
Huling nagbanta ang Chameleons sa 22-24 galing sa dalawang sunod na puntos ni Permentilla hanggang ikonekta ni Davison ang isang crosscourt attack para selyuhan ang panalo ng High Speed Hitters.