Heading dagdag puwersa sa FiberXers

MANILA, Philippines — Nakatakdang magpa­kitang-gilas na sa wakas sa PBA si Jordan Heading apat na taon simula nang ma-draft sa Asia’s oldest professional league.

Nasikwat kasi ng Converge FiberXers ang pla­ying rights kay Heading kahapon sa isang pambihirang trade sa Terrafirma Dyip sakto bago ang pagbubukas ng PBA Commissioner’s Cup.

Nakuha ng Converge ang prized guard kapalit sina Aljun Melecio, Keith Zaldivar at 1st round pick sa susunod na draft kaya posible nang makalaro sa PBA matapos matengga ang rights sa Terrafirma.

Matatandang napili ng Dyip bilang No. 1 overall pick si Heading sa special round ng 2020 PBA Rookie Draft subalit hindi nakapirma sa koponan at nakalaro maski isang beses.

Dahil nasa Terrafirma ang rights ay hindi nakalaro kahit saang koponan si Heading, na sa ibang bansa muna nagpasiklab, sa wakas ay napunta sa Converge na patuloy ang pagpapalakas ng koponan.

Dating player ng San Miguel-Alab Pilipinas si Heading bago maglaro sa Japan at Australia pati na sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Dadagdag ngayon si Heading sa lumalakas na FiberXers team sa pangu­nguna ni acting head coach Franco Atienza kasama ang mga consultants na sina Charles Tiu at Rajko Toroman.

Kakasikwat lang ng Converge kay MPBL MVP Justine Baltazar bilang No. 1 overall pick noong nakaraang draft matapos mangulelat sa nakaraang season.

Sa pagdating ni Baltazar at Heading ay siguradong lalakas lalo ang signal ng Converge na siyang pinakabagong team sa PBA kapalit ng defunct na Alaska Aces.

Show comments