Nuggets isinalba ni Porter vs Mavs
DENVER — Isinalpak ni Michael Porter Jr. ang isang mid-range jumper sa huling pitong segundo para isalba ang Nuggets laban sa Dallas Mavericks, 122-120.
Tumapos si Porter na may 17 points, 7 rebounds, 4 assists at 2 blocks para sa pang-limang sunod na ratsada ng Denver (7-3) habang kumolekta si Nikola Jokic ng 37 points, 18 rebounds at 15 assists na kanyang ikaapat na dikit na triple-double ngayong season.
Nagdagdag si Jamal Murray ng 18 points.
Pinamunuan ni Kyrie Irving ang Dallas (5-5) sa kanyang season-high 43 points at may 24 at 16 markers sina Luka Doncic at Daniel Gafford, ayon sa pagkakasunod.
Kumonekta si Irving ng tatlong sunod na three-point shot para ibigay sa Mavericks ang 105-102 bentahe sa 8:46 minuto ng fourth quarter patungo sa 120-118 kalamangan sa huling 1:39 minuto.
Ang tip-in ni Jokic ang nagtabla sa Nuggets sa 120-120 kasunod ang game-winning jumper ni Porter.
Sa Los Angeles, humakot si LeBron James ng 19 points, season-high 16 assists at 10 rebounds sa kanyang ikatlong triple-double sa season para sa 123-103 panalo ng Lakers (6-4) sa Toronto Raptors (2-9).
Sa Oklahoma City, bumira si Stephen Curry ng 36 points sa 127-116 panalo ng Golden State Warriors (8-2) sa Thunder (8-2).
Sa Philadelphia, umiskor si Jared McCain ng career-high 27 points sa 107-105 overtime win ng 76ers (2-7) kontra sa Charlotte Hornets (4-6).
- Latest