MANILA, Philippines — Sisimulan ng Chery Tiggo ang kanilang kampanya na wala si Eya Laure sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Crossovers ang Capital Solar Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banatan ng PLDT High Speed Hitters at Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Wala pa ring koponang nalilipatan si Laure dahil sa kanyang isyu sa kontrata sa Chery Tiggo.
Bukod kay Laure, wala na din sa koponan ng bagong coach na si Norman Miguel sina EJ Laure at libero Buding Duremdes.
“Since ganoon na nga, kailangan mag-move on, and mas nakita ko naman na ‘yung mga players namin na nag-step up sila,” ani Miguel na pumalit kay Kungfu Reyes.
“Siguro for them, it’s about time na ‘yung individuality namin mailabas namin iyan, ‘yung character nila,” dagdag ni Miguel na gumiya sa National University Lady Bulldogs sa korona ng UAAP Season 86.
Muling papalo para sa Crossovers sina Mylene Paat, Aby Maraño, Pauline Gaston, Imee Hernandez, Seth Rodriguez, Alina Bicar, Jasmine Nabor at Joyme Cagande.
Itatapat naman ng Solar Spikers ni mentor Roger Gorayeb sina Leila Cruz, Shola Alvarez, Roma Mae Doromal, Des Clemente, Iris Tolenada at Jorelle Singh.
Samantala, gagawin ni Italian Ettore Guidetti ang kanyang PVL coaching debut sa paggiya sa Chameleons laban sa High Speed Hitters.
Nauna nang nagposte ng 1-0 record ang Akari at Petro Gazz laban sa Galeries Tower at Choco Mucho, ayon sa pagkakasunod, sa pagbubukas ng PVL AFC noong Sabado.