Ligang labas ni KQ may basbas ng La Salle

MANILA, Philippines — Aprubado ng De La Salle University coaching staff at management ang paglalaro ni UAAP MVP Kevin Quiambao sa ligang labas.

Lumutang ang ilang videos kung saan nakitang naglaro si Quiambao sa isang liga sa Sariaya, Quezon kasama ang Team Laiya.

Hindi naman ito itinanggi ni Quiambao. Nilinaw nitong bago ito maglaro, nagpaalam muna ito sa coaching staff at management ng La Salle.

“Lahat ng galaw ko pinapaalam ko sa ma­nagement namin, kay Coach Topex, sa lahat ng c­oaching staff. May basbas naman sila na ingatan mo ang sarili mo kasi ang number one rule namin sa team ay use your judgment,” ani Quiambao.

Base sa patakaran ng UAAP, hindi maaapektuhan ang eligibility nito sa liga dahil pinapayagan na ang mga student-athletes na makapaglaro sa ibang liga or torneo habang ongoing ang UAAP season.

“There are no prohibitions preventing student-athletes or sports teams from participating in other tournaments or leagues while competing in the UAAP,” ayon sa UAAP rules.

Kaya naman hindi magiging isyu ang paglalaro nito sa ligang labas lalo pa’t binigyan ito ng go signal ng pamunuan ng La Salle.

Kaliwa’t kanan ang kritisismong tinatanggap ni Quiambao sa social media. Ngunit hinaha­yaan lamang nito ang mga bashers.

Sa halip, ginagawa niya itong motibasyon upang mas lalo pang magsumikap sa kanyang mga ginagagawa lalo pa’t marami itong obligasyon na dapat pagtuunan ng pansin.

Show comments