‘Di na paaabutin ng TNT sa game 7
MANILA, Philippines — Isang tagay pa o tatapusin na?
Iyan ang malaking katanungang masasagot ngayon sa pagitan ng reigning champion Talk ‘N Text at challenger na Barangay Ginebra sa inaabangang Game 6 ng 2024 PBA Governors’ Cup finals sa Smart Araneta Coliseum.
Bitbit ng Tropang Giga ang 3-2 abante at may tsansang matapos na ang best-of-seven series sa alas-7:30 ng gabi kontra sa misyon ng Gin Kings na mapahaba ito sa winner-take-all Game 7 sa Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Nakapuro ang mga bataan ni coach Chot Reyes sa kampeonato matapos ang kumbinsidong 99-72 panalo sa Game 5 na siyang matamis na higanti nila sa dalawang sunod na kabiguan upang malustay ang higanteng 2-0 bentahe.
Kung makakalusot uli, madedepensahan ng TNT ang trono at maisusukbit ang ika-10 titulo para samahan ang San Miguel (29), Ginebra (15), Alaska (14), Magnolia/Purefoods (14) at Crispa (13) sa listahan ng may lagpas 10 titulo sa PBA history.
Posible ring maging ika-10 kampeonato ito ni Reyes at ikalawang sunod kay two-time Best Import Rondae Hollis-Jefferson.
Subalit ayaw pangunahan ni Reyes ang lahat na aasahan ang matinding balikwas ng kanyang matalik na kaibigan subalit mahigpit ding karibal na si Tim Cone kasama ang resident import na si Justin Brownlee at ng buong Gin Kings.
Nangamote sa 8 puntos si Brownlee sa kanilang 27-point loss sa Game 5 kung saan sila natambakan ng hanggang 36 puntos kaya tulad ng sinasabi ni Reyes ay magpapasiklab ito para matulungan ang Gin Kings na makapuwersa ng Game 7.
- Latest