Moderne Verde dinala ni jockey Villegas sa panalo
MANILA, Philippines — Nanood muna sa bandang likuran ang Moderne Verde bago ito pinaremate ni jockey Andreu Villegas upang masungkit ang panalo sa Hygain Feeds Trophy race na nilarga noong Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Mainit ang labanan sa unahan ng Monrovian Belle at Deus Ex Machina sa largahan habang malayong nasa likuran pa ang Moderne Verde.
Pagsapit sa backstretch ay nagkapanabayan na sa unahan ang Monrovian Belle, Deus Ex Machina, Valley Bell at Moderne Verde, pero papalapit sa far turn ay biglang humarurot mula sa likuran ang Stand In Faith.
Kaya naman sa huling kurbada ay naagaw na ng Strand In Faith ang bandera habang nasa pangalawang puwesto ang Moderne Verde na dumaan sa bandang labas.
Bakbakan ng todo ang nasilayan ng mga karerista sa rektahan, inaagaw ng Moderne Belle ang unahan sa huling 150 metro ng karera pero nanatili ang mahigpit na labanan dahil bukod sa ayaw pang magpadaig ng Stand In faith ay rumeremate rin ang Antonio Delamugis.
Hindi naman nagpabaya ang Moderne Verde nanalo pa rin ito ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Stand In Faith, tersero ang Antonio Delamugis habang pang-apat ang Valley Bell.
Nilista ng Moderne Belle ang tiyempong 1:27.6 minuto sa 1,400 meter race.
- Latest