Serye itatabla ng SMB, ROS
MANILA, Philippines — Dadalawa o tatabla?
Tangka ng reigning champion Talk ‘Text at Barangay Ginebra na makapagtayo ng higanteng 2-0 bentahe habang higanti naman ang hangad ng Rain or Shine at San Miguel sa krusyal na Game 2 ng kanilang 2024 PBA semifinals duel ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakaumang sa unang bakbakan ang TNT at RoS sa alas-5 ng hapon bago ang sagupaan ng magkapatid na Ginebra at SMB sa pagpapatuloy ng best-of-seven Final Four duel.
Matatandang tinambakan ng Gin Kings ang Beermen, 122-105, sa Game 1 habang naiskor ng Tropang Giga ang dikit na 90-81 tagumpay kontra sa Elasto Painters.
Parehong sumandal ang Ginebra at TNT sa mahabang pahinga upang madaig ang mga pagod na karibal matapos ang magkataliwas na daang tinahak nila sa best-of-seven quarterfinals.
Tengga ng halos isang linggo ang mga bataan ni coach Tim Cone matapos walisin ang Meralco, 3-0, kaya lumabas na mas ganado kaysa SMB sa pangunguna ng resident import na si Justin Brownlee.
Kumamada ng 33 puntos si Brownlee sahog ang 4 na 4-point shots at 3 tres sa 28 minutong aksyon lang upang madaig ang 27 puntos ni EJ Anosike para sa Beermen na kinailangan ang Game 5 sa quarterfinals para makatakas sa Converge at makasampa sa semis.
Sa Game 2, aasa si Brownlee sa balanseng suporta ng locals na sina Scottie Thompson, Stephen Holt, RJ Abarrientos, Maverick Ahanmisi at Japeth Aguilar.
Tulad ng SMB, kinailangan ng Elasto Painters ang Game 5 para gapiin ang Magnolia at makasabit sa semis subalit inaasahang makakabawi ngayong Game 2 sa pangunguna ni Aaron Fuller.
- Latest