Bakbakan na sa semis!
SMB Vs Ginebra; Rain or Shine kontra TNT
MANILA, Philippines — Kuwadro kontrapelo ang magiging tema ng 2024 PBA Governors’ Cup semifinals tampok ang Rain or Shine kontra sa reigning champion Talk ‘N Text at ang magkaribal na magkapatid na San Miguel at Barangay Ginebra simula ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Hahamunin ng Elasto Painters ang Tropang Giga sa trono sa main game sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng unang sultada sa pagitan ng Beermen at Gin Kings sa alas-5 ng hapon.
Magkakaibang daan ang tinahak ng mga naturang koponan sa quarterfinals upang maging apat na natitirang kawal para sa unang titulo ng Season 49 tampok ang mga pambatong imports na sina Rondae Hollis-Jefferson ng TNT, Aaron Fuller ng RoS, Justin Brownlee ng Ginebra at EJ Anosike ng SMB.
Winalis ng Ginebra ang Meralco, 3-0, kinaldag ng TNT ang NLEX, 3-1, habang parehong kinailangan ng Rain or Shine at SMB ang Game 5 upang umeskapo sa palabang Magnolia at Converge, ayon sa pagkakasunod.
Para kay coach Yeng Guiao, mas lalong hihirap ang misyon nila simula sa dikdikang Final Four sa ilalim ng best-of-seven series format.
“We’re playing a tough team and they’re the defending champions,” ani Guiao matapos ang 113-103 panalo ng RoS kontra sa Magnolia sa Game 5.
Sa Ginebra at SMB, walang kapa-kapatid sa inaasahang lasingan nila hanggang sa dulo.
“Ginebra is well-coached, it has great players so we just have to play well. We have to play our A-game for us to have a chance to beat them. It’s a series so, you know, it’s. a matter of adjustments,” babala ni Beermen coach Jorge Gallent na mapapasabak sa batikang si Tim Cone ng Gin Kings matapos ang dikit na 109-105 Game 5 win kontra sa Converge.
Bagama’t matagal ang pahinga matapos pauwiin agad ang isa pang karibal na Bolts, underdogs kung maituturing ang Gin Kings, ayon kay Cone, kontra sa higanteng Beermen sa pangunguna ni 8-time PBA MVP June Mar Fajardo.
- Latest