Quizon markado sa Oaminal chessfest
MANILA, Philippines — Pangungunahan ng pinakabagong Grandmaster ng bansa na si Daniel Quizon ang pigaan ng utak sa 3rd Governor Henry S. Oaminal open chess festival na tutulak sa Nobyembre 4 hanggang 5 sa Asenso Global Gardens, Hoyohoy, Tangub City, Misamis Occidental.
Markado ang 20-anyos na si Quizon sa event na ipatutupad ang nine rounds Swiss system na FIDE rapid tournament kaya asahang mapapalaban siya ng todo.
“I am looking forward to playing in the 3rd Governor Henry S. Oaminal Open Chess Festival and hopefully, get good results,” ani Quizon na binuwag ang 2500 elo barrier sa Budapest Olympiad noong nakaraang buwan tungo sa pagkumpleto sa requirements sa kanyang GM title status.
Naghayag din ng pagsali sina GM Rogelio “Joey” Antonio Jr., GM Darwin Laylo, IM Michael Concio Jr., IM Rolando Nolte, IM Ronald Bancod, IM Joel Pimentel, FM Roel Abelgas at FM Christian Gian Karlo Arca.
Mga posibleng humadlang din sa asam ni Quizon ay sina IM Rico Mascarinas, IM Eric Labog Jr., FM Austin Jacob Literatus, FM Victor lluch, FM David Elorta, Sherwin Tiu, Atty. Jason Bandal at Filipino at US chess master Almario Marlon Bernardino Jr.
Hindi bababa sa P428,000 na cash prizes ang ibibigay sa mga mananalo sa FIDE rapid rated competition.
- Latest