Devance muling lalaro sa Ginebra
MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang taon sa kanyang pagreretiro ay muling isusuot ni veteran forward Joe Devance ang uniporme ng Barangay Ginebra sa quarterfinals ng PBA Season 49 Governors’ Cup.
Tutulungan ng 12-time PBA champion player ang Gin Kings sa pagsagupa sa karibal na Meralco Bolts sa best-of-five quarterfinals series.
Ipinoste ng 42-anyos na si Devance ang PBA memorandum sa kanyang Instagram account kung saan papalitan niya sa Ginebra roster si rookie Paul Garcia na inilagay sa unrestricted free agent.
Ayon sa Fil-Am forward, ito na ang huling pagkakataon na maglalaro siya sa Ginebra ni coach Tim Cone bago muling magretiro.
“This is the closure I wanted and needed. I’m honored to have this chance. I’m on an emotional roller coaster because I never had my family not watch me play,” wika ng 6-foot-7 na si Devance na bumalik sa bansa noong nakaraang linggo.
“They would have enjoyed this moment with me through all the battles the high times and the low times with every team my family has always been my support system,” dagdag nito.
Huling naglaro si Devance para sa Gin Kings noong 2022.
Kulang sa puwersa ang Ginebra dahil sa injury nina Jamie Malonzo at Jeremiah Gray, ngunit nagawa pang makapasok sa crossover quarterfinals ng season-opening conference.
- Latest